Parokya ni Santiago Apostol
Home History Directory Reflections Caritas Plaridel Youth Ministry Updates Calendar of Activities Feature Photo Gallery Guestbook Contact Us
 
 

KABATAAN NG QUINGUA
     titik ni: Fr. Dennis Espejo
      musika ni :Arnel de Pano

 
Sa Ina ng mga bayan ng Bulacan
Sa tahanan ng masaganang kalikasan
Mayamang ilog na dumidilig sa kabukiran
Dito nagmumula kabataang pinagpipitaganan

 
Nangunguna sa lahat ng larangan
Di mapapantayan ang talino't kakayahan
Ang aming yaman - ang aming pag-asa
Ay walang iba kungdi ang kabataan ng Quingua

 
Refrain:

Kabataan ng Quingua, pag-asa ng bayan
Kisig at ganda, angking kagalingan
Yaman ng buong bayan, ikararangal tuwina
Ngayo't kailan pa man - kabataan ng Quingua

 
Sa paglilingkod mabuting huwaran
Kasama sa pagbabago ng lipunan
Naninindigan sa prinsipyo ng kabutihan
Kabataan ng Quingua, dapat ngang hangaan

 
Bridge:

Sa Diyos lagi syang umaasa
Nanalig at nagtitiwala
Tagumpay sa Kanya nagmumula
Kabataan ng Quingua


Ang Teatro de Quingua: Instrumento sa Paghubog sa Kabataan
ni Arch. Lito C. de Dios

       “ Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan “ …. Iyan ang mga katagang binitawan ng ating dakilang bayaning si Gat Jose Rizal may isangdaang taon na ang nakakaraan . Ngunit sa panahon ngayon ng kagalingan sa Computer at Advanced Technology , ang malawakang epekto ng Global Recession , ang pag-aaalala sa lumalaganap na Global Warming at iba pang pambansa at pansariling mga suliranin, may pagkakataon pa kaya ang mga kabataan upang tunay na maging kapakipakinabang sa  kanyang bayan ? Mga kabataang mas nais pang magbabad sa mga Internet Café , makipag-text sa kanilang mga cellphone o magdamag na maki-gimik sa kanilang mga barkada ; Ang mga wala namang hilig o ikakaya sa pag-aaaral ay  nalululong sa masamang barkada at mga bisyo o dili naman kaya ay nakatali sa obligasyong tumulong sa ikabubuhay ng naghihikahos na pamilya . Nararapat lamang na ang mga kabataang ito ay magkaroon ng tunay na tiwala at pagpapahalaga sa kanilang kakayahan na maging makabuluhang mga mamamayan .

         Iyan ang isa sa mga dahilan ng Santiago de Quingua Heritage Society (SQHS), isang samahang pamparokya , upang bumuo ng isang grupo na sasaniban ng  kabataang pawang mga taga-Plaridel . Ang SQHS ay binubuo ng tatlong pangunahing lupon : Ang Arts & Culture Committee na pinamumunuan ni G. Alvin Librero , ang Historical Committee na pinamumunuan ni Dr. Joseph Ramos at ang Festival Committee na pinamumunuan ni G. Vince Lucas . Sa Arts & Culture Committee napapaloob ang samahang ito na papangalanang Teatro de Quingua at maglalayong magbigay ng kaalaman sa mga kabataan sa larangan ng pag-arte at pagtatanghal .

          Sa koordinasyon ni Fr. Dennis Espejo , Kura Paroko ng Parokya Santiago Apostol at ni Arch. Lito de Dios , Chairman ng SQHS , ay nagtakda ng isang Drama Workshop at nakipag-ugnayan kay G. Vicente”Bong” Enriquez,  pinuno ng VSE Productions at siyang namuno rin sa grupong gumanap sa Senakulo na itinanghal nuong Mahal na Araw sa patio ng parokya . Naitakda ang petsa ng Workshop ng ika- 19 , 20 at 21 ng Mayo, 2009 at gaganapin sa Bulwagang Santiago Apostol . Sa tulong nina Bb. Siony Alba at G. John-B Ongsiapco , kapwa kagawad ng SQHS , ay naipabatid sa mga kabataang taga-Plaridel na may hilig sa pag-arte ang gaganaping workshop . Nakasama rin si Gng. Emma Caparas , kalihim at kagawad ng Arts & Culture Committee  sa tatlong araw na kaganapan .

            Tatlong araw na ginanap ang Workshop . Sa unang araw ay tila nagkakahiyaan pa ang mga halos di-magkakakilalang kabataang lalaki at babaeng na may edad na 12 hanggang 20 taong gulang na nagsidalo at nag-register sa aktibidad. Sa mahusay na pagtuturo at pagpapaliwanag sa larangan ng pag-arte ni Direk Danny Gariv at ang kanyang mga katulong na sina Richard Gariv at Awen Dato-on , ay  unti-unting nabubuo ang tiwala sa sarili at lumalabas ang natural na kakayahan ng mga kabataan . Palagi ring handa si Direk Bong upang magbigay ng kanyang nakabubuting mga puna at pananaw sa mga ipinakikitang kakayahan at ikinikilos ng mga kabataan . Sa loob ng tatlong araw ay itinuro sa kanila ang pagpapahalaga hindi lamang sa sariling kakayahan kung hindi ang pagpapahalaga sa kasamahan sa entablado at ang pagbibigay ng naaangkop na pagganap para sa kasiyahan ng mga manonood . Binigyan sila ng mga ibat-ibang karakter at sitwasyon upang masubukan ang kanilang galing sa pagganap at sa pamamagitan nito ay pinupuna ang  kawalang ayos ng kanilang estilo o ang hindi tamang ugali sa entablado . Sa mga sumunod na  araw ay kinakitaan na ng  pagbabago at pag-unlad sa pagganap ang mga kabataan ; Naging seryoso sa pagganap at nawala na ang mga di tamang gawi sa pag-arte .

           Kahanga-hanga ang pagbabagong naganap sa kanila sa loob lamang ng tatlong maiikling araw . Ang mga kabataang dumating sa unang araw na halos walang karanasan sa pagtatanghal ay natutong gumawa ng sariling script at diyalogo sa palabas ; Natuto rin sila na  punahin ang kapwa artista at magbigay ng magandang suhestyon sa mga gampanin . Naging malapit na magkakakaibigan at nagkaroon ng mas malalim na pagkakaintindi sa larangan ng tanghalan at pag-arte .

             Sa pagtatapos ng ikatlong araw ng Workshop , sila ay hinati sa tatlong grupo at binigyan ng pagkakataong magtanghal ng sarili nilang likhang palabas ; Dito ay binigyan sila ng puntos nina Direk Bong , kasama si Arch. Lito at Ma’am Emma bilang mga tagahatol . Sa pagtatapos ng pagtatanghal ay napili ang pinakamagaling na artistang babae at lalake , ang pinakamahusay na direktor at gumawa ng script at dialogo . Dito ay napatunayan ang kanilang likas na kakayahan at matapos ang pagbibigay ng karangalan ay iginawad sa kanila ang Certificate of Participation . Nagkaroon din sila ng halalan upang maitalaga ang mga mamumuno sa kanilang samahan .Tunay at di maikakaila ang kagalakan ng bawat kasapi sa katatapos na Drama Workshop .

             Ang naganap na Workshop ng mga kabataan ay isang napakalaking leksyon sa disiplina , responsibilidad at dedikasyon sa gawain . Sa loob ng maikling panahon ay natutuhan nila ang kahalagahan ng kooperasyon at tamang  pakikisama sa kapwa ; Marami pang magagandang katangian ang naisa-ugali ng bawat kabataang sumali at nakilahok sa gampaning iyon . Ngunit iyon ay simula lamang ng mahabang proseso ng pag-aaaral at pakikisalamuha sa kapwa na huhubog sa katauhan nila upang sa pagdating ng panahon ay magamit nila sa pagharap sa tunay na kahulugan ng buhay : Ang pagkakaroon ng ganap na tiwala sa sarili at ng  matibay na pakikipag-ugnayan sa kapwa na bunga ng tamang paggamit  sa angking talento at kakayahan.