Nakiisa naman ang buong pwersa ng ating mga kabataan sa taunang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan sa ating Diyosesis nuong ika-12 ng Disyembre na ginanap sa Regina Carmelli Gym, Lungsod ng Malolos.
Sa kapahintulutan ng ating minamahal na Kura Paroko na si Fr. Dennis Espejo ay nakapagpadala tayo ng 92 Youth Delegates na nakiisa sa nasabing pagdiriwang.
At bilang pagkilala sa Komisyon sa Kabataan ng ating Diyosesis ay tinanghal bilang MOST BIGGEST YOUTH DELEGATION ang Komisyon sa Kabataan ng Parokya ni Santiago Apostol, isang karangalan na nagpapatunay na aktibo at produktibo ang ating mga Kabataan.
2nd YOUTH LEADERSHIP TRAINING SEMINAR
Ginanap nuong ika 29 -30 ng Oktubre na nagalalayon na hubugin pa ang mga lider-kabataan ng ating Inang Parokya, at upang mapalalim pa ang kanilang pananampalataya. Dinaluhan ito ng 46 lider-kabataan sa buhat sa iba’t-ibang SPB na sakop ng Parokya ni Santiago Apostol, Nagpadala rin ng mga kabataang kinatawan ang KNIGHT OF COLUMUS sa katauhan ng SQUIRES. Ang Spiritual Director ng PCY na si Fr. Alvin Pila ang nagsilbing Moderator/facilitator ng nasabing Seminar. Nakakatuwang isipin rin na sa pamamagitan ng 2nd YLTS ay nabuo ang BCY Lalangan, ang pinakabagong tatag na samahan ng kabataan sa barangay.
PARISH YOUTH BIG DAY 2010
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsagawa ng malakihang pagtitipon ang mga Lingkod-kabataan ng ating Parokya upang sama-samang magsaya at magdiwang na may temang: “Kabataan ni Santiago; Magbuklod na nagtitiwala kay Kristo”.
Ginanap nuong ika-27 ng Nobyembre, 2010 sa Don Cesareo San Diego Gym at dinaluhan ng 340 kabataang naglilingkod gayundin ng mga Student Leader ng mga paaralan ng St. James Academy, St. Francis Montessori, Dr. Felipe de Jesus National High School at St. James Voc-Tech school.
Sinimulan ang pagdiriwang sa isang Pilgrim walk na sumisimbulo sa paglalakbay ng mga kabataan patungo sa iisang patutunguhan, ang Diyos. Hinati sa 2 grupo ang mga kabataan upang sa isang maayos na paglalakbay, ang NORTH na kinabibilangan ng Banga, Parulan, Bagong Silang, Sumilang, Poblacion, St. James Voctech school at St. Francis Montessori at ang SOUTH na kinabibilangan naman ng Sta. Ines bukid at Proper, Lumangbayan, Tabang, Balante, Lalangan, St. James Academy at Agnaya High School. Nakiisa rin ang ilang myembro ng Parish Commission on Youth ng Parokya ni San Miguel Dampol. Ang Banal na Misa ay pinangunahan ni Fr. Alvin Pila.
Naging mga tagapagsalita sa nasabing pagdiriwang sina Fr. Irvin Hizon ng Parokya ni San Isidro Labrador sa Pulilan at G. Alvin Librero. Nakiisa rin sa Youth Day ng ating parokya ang mga PCY Chairmen ng mga Parokya ng Holy Family, Violeta Village. Sta. Rita Guiguinto, San Markos Calumpit at ng San Juan Ebanghelista sa Calumpit, gayundin ang Diocesan Youth Ministry Staff na si G. Barry Antonio.
VOCTECH, NAGDAOS NG UNANG PAGTATAPOS
Sa unang pagkakataon ay idinaos ng St. James Vocational – Technical School ang una nitong pagtatapos para sa Pioneer Batch ng mga estudyante nito sa kursong Hotel and Restaurant Services. Naganap ito noong ika – 25 ng Agosto, ganap na ika-5:00 ng hapon, sa Bulwagan ni Santiago Apostol.
Pinangunahan ito ng 29 estudyanteng naka-kumpleto sa dalawang taong pag-aaral sa nabanggit na paaralan. Dinaluhan naman ito ng mga kawani at pamunuan ng paaralan sa pangunguna ng Pangulo ng Board of Trustees, Gng. Cecilia Buhain at ikawalang pangulo, Dr. Remigio Musca. Maging ang mga magulang, tagapagtaguyod, kapwa mag-aaral, at ilang espesyal na panauhin ay dumalo upang saksihan ang mahalagang pagtitipon na ito.
Isa sa highlights ng pagtitipon ang Presentation of Candidates na pinangunahan ng School Registrar, Bb. Ma. Asuncion Alba at ang Confirmation of Graduates na pinangunahan naman ng School Administrator, Rev. Fr. Jose Dennis A. Espejo. Naging makulay din ang selebrasyon sa pananalita ng Pangunahing Pangdangal na si Wilhelmino Sy-Alvarado, Punong Lalawigan ng Bulacan at Anastacia Vistan, Punong Bayan ng Plaridel na kapwa nagbigay sa lahat ng mensaheng puno ng inspirasyon. Napuno naman ng palakpakan ang Bulwagan nang ipamahagi na ang mga certificates at awards ng mga nagsipagtapos na isinagawa nina Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, Mayor Anastacia Vistan, Gng. Cecilia Buhain, Rev. Fr. Jose Dennis A. Espejo, at mga kasapi ng Board of Trustees. Kabilang sa mga award na ito ang Pioneer Award na natanggap ng lahat ng nagsipagtapos bilang tanda na sila ang mga unang mag-aaral ng Voctech.
Labin-tatlong mag-aaral ang tumanggap ng Academic Awards sa iba’t ibang asignatura kung saan kinakitaan sila ng kahusayan. Tatlong mag-aaral naman ang nakatanggap ng Academic Excellence Award dahil sa husay na ipinakita nila sa dalawang taong pag-aaral sa Voctech. Unang karangalan si Raquel Reyes, ikalawa si Rondel Reroma, at ikatlo naman si Eunice Astrid Detera. Natanggap din ni Rondel Reroma ang St. James Voctech Award.
Sa pangkalahatan, ay naging matagumpay ang pagtitipon sa pagtutulungan ng lahat ng tagapagtaguyod at sa pagpapala na rin ng Panginoong Maykapal.
Sa pagdiriwang na ito ay napatunayan na hindi hadlang ang kahirapan upang makakuha ng dekalidad na edukasyon ang sinumang marunong mangarap at magsikap.
Sa ngayon, ang St. James Vocational – Technical School ay may 41 na First Year at 29 na Second Year na may kabuuang bilang na 70 mag-aaral. Ang mga ito’y patuloy na nagsusumikap upang sa mga susunod na taon ay sila naman ang magpapatunay sa taimtim na adhikain ng paaralan na tumulong sa mga kabataan upang maabot ang kanilang pangarap.
BANTAYOG NG BUHAY
Sa hilagang-kanluran ng patyo ng ating simbahang pamparokya, itinayo ang isang napapanahong bantayog, ang “Bantayog ng Buhay”, isang pinagtuwagang proyekto ng Parokya at Knights of Columbus.
Itinayo ang “Bantayog ng Buhay” upang laging ipaalaala sa atin ang tungkulin natin na pangalagaan ang sanggol sa sinapupunan ng ina, upang isabuhay natin ang mga dakilang aral at halimbawa ni Fr. Michael McGivney, ang tagapagtatag ng Knights of Columbus, at upang alalahanin natin ang naiambag sa larangan ng paglilingkod ng mga Knights na yumao na. Sa gawing kanan ng bantayog ay makikita ang Imahe ng Mahal na Birhen na pinagpapala sa kanyang mga kamay ang isang sanggol; ito ang bantayog sa Unborn Child.
Sa gawing kaliwa naman, naroon ang Dingding Pang-alaala kung saan nakatala ang mga pangalan ng mga pumanaw nang Knights of Columbus.
At sa pinakagitna, nakatayo naman ang rebulto ni Fr. Michael McGivney na idineklara ni Pope Benedict XVI na kapita-pitagang Lingkod ng Diyos (Venerable Servant of God).
Tinutusan ang pagpapatayo ng Bantayog ng Buhay ng mga donasyon ng mga tagatangkilik at mga pamilya at/o kaanak ng mga knights na yumao na sa pamamagitan ni Rev. Fr. Dennis A. Espejo at SK Potenciano C. Villena, Concil Chaplain at Council Grand Knight, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Nakatuwang ni GK SK Jerry Villena sa pangingilak ang pamunuan ng SJA Council 6613 at sina SK Reynaldo T. De Vera at SK Pancho G.C. Quinay.
Ginanap ang pagbabasbas ng Bantayog ng Buhay nitong nakaraang Disyembre 12, Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, ang protektor ng mga sanggol na nasa sinapupunan pa ng mga ina.
Ang pagbabasbas ay isinagawa ni Fr. Dennis A. Espejo at ang paghahawi ng mga talukbong ay ginampanan naman nina SK Alex V. Alvaira, State Family Direktor bilang kinatawan ni State Deputy SK Alonzo L. Tan, SK Albino Sy, State Liaison Officer, SK Boy Amparo bilang kinatawan ni Master of the Fourth Degree SK Ruel D. Tecson, District Deputy SK Rodolfo Y. Manumbos at Faith Navigator SK Eduardo B. Joson kasama sina GK SK Jerry C. Villena, DGK SK Manuel Santos, PGK SK Zosimo S. Constantino at PGK SK Ernesto A. Dela Cruz.
Pagkatapos ng pagbabasbas, binasa ang maikling talambuhay ni Fr. Michael McGIvney na sinundan ng mga mensahe nina SK Boy Amparo, SK Alex V. Alvaira at SK Rodolfo Y. Manumbos.
Ang maikling palatuntunan ay sinundan ng isang agahan sa Bulwagan ni Santiago Apostol.